Tuesday, September 4, 2007

First Philo103 Long Test

The second one is going to be next week so I thought I'd post the essay I did for the first long test. This is the only A that really meant something. :)

(untitled)

Si Yossel Rakover ay isang Hudyong naging biktima ng Holocaust. Siya ay kathang-isip lamang ngunit sa pamamagitan niya ay nabigyan ng larawan ang pasakit at hirap na dinanas ng maraming mga Hudyo. Ang pagsasakatapuran ng Holocaust na isang malagim na kabanata sa kasaysayan ng tao, ay nagdulot upang magtanong ang marami kung bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa ang mga mabubuting tao. Ang tanong na ito, sa unang tingin, ay tila sinasagot ng isa pang aklat, na ngayon naman ay nanggagaling sa lumang tipan – ang aklat ni Job. Si Job ay isang tao kinalulugdan ng Diyos sapagkat siya ay matapat at mabuti. Siya ay nagdanas ng kahirapan sa kamay ni Satanas sapagkat gustong patunayan ng Diyos na tunay nga Siyang mahal ni Job. Ngunit dahil hindi ito alam ni Job, siya ay patuloy na nagugulumihanan sa kaniyang pinagdadaanan. Maaring itulad si Yossel kay Job sapagkat ayon sa kanilang dalawa, sila ay naging mabuting tao at hindi nila kailangan ng parusa galing sa Diyos.

Tinuturing si Job ng mga dalubhasa na isang taong may malakas na pananampalataya sa Diyos sa kabila ng matinding paghihirap. Ngunit kung babasahin ang teksto nito, halos magkapareho ang sinasabi ni Job at ang sinasabi ni Yossel.

Pareho nila ninanais nang mamamatay sa lubhang pasakit na pinapagdaanan nila na tila baga sumusuko na sila – “Why did I not perish at birth, come forth from the womb and expire… For then I should have lain down and been tranquil; had I slept I should have been at rest,” (Job) at “Death, swift and abrupt, looks to us like a savior, like a liberator, like a shackle-breaker,” (Yossel).

Ipinipilit din nila ang kawalan nila ng kasalanan at ang kabutihan ng kanilang pagkatao – “I was eyes to the blind, and feet to the lame was I; I was a father to the needy; the rights of the stranger I studied,” (Job) at “When I look back on the past I can attest confidently, as confident as a man can be of himself, that I lived an honest life and my heart was full of love,” (Yossel).

Mayroon ding pagpapahiwatig ng mga kahirapang pinagdaanan: “My own utterance I shall not restain; I will speak in the anguish of my spirit; I will complain in the bitterness of my soul. Am I the sea, or a monster of the deep, that you place a watch over me? Why have you set me up as an object of attack; or why should I be a target you?” (Job) at “We the tortured, the humiliated, the strangled, the buried alive and burned alive, we the insulted, the mocked, the ridiculed, the murdered by the millions,” (Yossel).

Higit pa rito, pareho ginawang idolo nina Job at Yossel ang Diyos na kanilang sinasamba. Si Job, sa kaniyang patuloy na pagtatanong at pagkaawa sa sarili ay ipinipilit na ang Diyos ay isang makatarungang Diyos na hindi kailanma’y magpapahirap sa mga matapat sa kaniya. Hindi umaangkop ang kaniyang karanasan sa Diyos na ito sa Diyos na kaniyang kilala kaya naguguluhan siya ng lubos. Sa ganitong pananaw, masasabing pareho ang pagtingin sa Diyos ni Job sa pagtingin ng kaniyang mga kaibigan. Ang problema nga lang ay dahil siya ang pinapahirapan, si Job ay nalilito sapagkat alam niya na siya ay walang sala. Si Yossel din ay ginawang idolo ang Diyos na pinaniniwalaan niya. Nakatuon lamang ang kaniyang paningin sa Diyos na nagpakilala sa Lumang Tipan, ang Diyos na Tagapagligtas at Kampiyon ng mga Hudyo. Ang masaklap pa rito, ang Diyos na kinikilala niya ay ginamit niya bilang simbolo ng pagiging bukod-tangi ng Israel. Sa kaniyang pananaw, ang pag-iral ng Diyos ang siyang nagbibigay kaibahan sa Israel mula sa ibang bayan sapagkat matatawag silang piniling bayan ng Diyos.

Ngunit kung tila magkapareho ang reaksyon nina Job at Yossel sa kanilang kinasapitan, anong ugali ni Job ang nagligtas sa kaniya upang masabi pa rin siyang nananalig nang tapat sa Diyos?

Nagkakaiba ang motibo ng panananampalataya ng dalawang tao tinalakay natin. Si Job ay naniniwala sapagkat pinipili niyang maniwala – walang ibang paliwanag ang maaring makuha mula sa pagbabasa ng aklat niya. Nang sinabihan si Job ng kaniyang asawa na huwag nang maniwala sa Diyos dahil siya ay pinapahirapan nito, sinagot ni Job na sapagkat tumatanggap sila ng mabubuting bagay mula sa Diyos, marapat lamang na tanggapin din nila ang masasamang bagay mula sa Kaniya. Sa kabila ng mga reklamo ni Job sa buong aklat, sa pagpapahayag na ito makikita na narating ni Job ang credere in deum, ang ganap na pag-aalay ng sarili ng walang mga kondisyon. Ang nibel ng pananampalatayang ito ayon kay Sto. Tomas ay maitutulad din sa pag-asa ni Marcel kung saan may buong pagtitiwala ang tao, may pagkabukas siya sa lahat ng maaring mangyari.

Ngunit kung titingnan ang pananampalataya ni Yossel, mapapansin na nakatuon sa sarili ang kaniyang pananampalataya. Siya ay naniwala hanggang sa huli sapagkat nakaugat sa paniniwalang ito ang buo niyang pagkatao. Ibig sabihin nito, sa kaniyang panananampalataya, siya pa rin ang sentro at hindi ang kaniyang pinaniniwalaan na Diyos. Ang pagkatuon ni Yossel sa kaniyang sarili ay makikita sa limang magkakakabit na aspeto.

Una, makikita ito sa kaniyang pagiging isang “loyalistang” Hudyo. Minamahal ni Yossel ang institusyong Hudeo at ipinagmamalaki niya na maging kabilang dito. Sabi nga niya, “I believe that to be a Jew is an inborn trait. One is born a Jew exactly as one is born an artist.” Sinasabi niya na ang mga Hudeo ay banal, na sila ang kumakatawan sa mabuti sa mundong ito na puno ng kasamaan, at dahil dito ay natural lamang na sila ang maapi kapag pinabayaan ng Diyos ang mundo – “The Jew is a hero, a martyr, a holy one.” Dagdag pa rito ay sinasabi niya ang mga paghihirap na dinadanas nila ay mas lalo pang nagpapadalisay sa kanila, “This Torah of ours has now been made even more holier and more immortal by the fact that it has been so degraded and insulted by the enemies of God.”

Malaki rin ang pagmamahal ni Yossel para sa Torah, “[representing] the loftiest and most beautiful of all laws.” Makikita na naman dito ang pagmamahal ni Yossel sa institusyong Hudeo at masasabi na mahal niya ang Tora sapagkat isa itong simbolo ng pagkadakila ng Hudyo. Ang isang komunidad ay itinatatag ang sarili nila sa pamamagitan ng pag-amin at pagpaliwanag sa isang kasulatang pinaniniwalaan nilang banal, tulad ng nasa ikalawang hermeneutikong bilog, hindi maikakaila na ang pagmamahal ni Yossel sa Torah, na sinasabi niyang higit pa sa pagmamahal niya sa Diyos, ay nagpapakita ng pagmamahal niya sa pagiging espesyal ng kaniyang lahi.

Ang pagmamahal niya sa Israel bilang piniling bayan ang nagdudulot sa kaniya upang kumapit sa pinaniniwalaan niyang Diyos. Ang Israel bilang bayan na nagkakaroon ng identidad sa pag-amin at pagpaliwanag sa banal nilang kasulatan ay mawawalan ng saysay kung wala ang Diyos na pinaniniwalaan nito. Maari ngang sabihin na bumuo na talaga ng sarili niyang idolo ng Diyos si Rakover upang ipakita ang pagiging angat ng mga Hudyo sa ibang lipi. Nakabatay sa komunidad na binibigyan nitong kahulugan ang identidad ng sinasabi niyang Diyos. Sinasabi niyang, “If you are not my God – whose God are You? The God of the murderers? If those that hate me and murder me are so sinister, so evil, what then am if not the one who personally represents something of Your light, of Your goodness?” Tila sinasabi niya na sapagkat kami ay mabuti, kailangang may umiiral na Diyos na kinakatawan namin dito sa mundong puno na kasamaan; sa pagsasakatawan ng dakila at napakabuting Diyos, kami rin ay nagiging dakila at napakabuti sa mundong ito.

Pagkatapos buuin ang isang Diyos na magbibigay-kahulugan sa pag-iral ng komunidad ng mga Hudyo, dinidiktahan niya rin ang Diyos na ito ng mga responsibilidad, ayon sa Diyos na kilala niya mula sa Lumang Tipan. Sinasabi na sapagkat pinili niyang manalig, may utang sa kaniya ang Diyos na dapat lamang nitong bayaran. Bukod pa rito, hinihingi niya sa Diyos na ipaghiganti sila sa mga nagpahirap sa kanila, lalo na sa mga taong hinayaan lamang silang magdusa. Ang Diyos na mapaghiganti ay bumabagay sa Diyos na inilarawan sa lumang tipan.

Ang pinakamasaklap na bahagi rito, pagkatapos lumikha ng Diyos niya at panampalataya rito, sa kaniyang kayabangan ay ipinipilit niya pa rin ang kaniyang sariling kagalingan. Nakikita ko ang pinakadulong dahilan ng pagkapit ni Yossel sa kaniyang pananampalataya bilang pagtangging magpatalo sa Diyos. Sinasabi niya sa huli na sa kabila ng lahat ng pasakit na itinapon sa kaniya ng Diyos, patuloy pa rin siyang maniniwala. Tila ang mga pangyayari sa buhay niya ay naging isang paligsahan sa pagitan ng kapangyarihan ng Diyos at katigasan ng ulo ng tao. Naniwala si Yossel hanggang sa huli upang mapatunayang hindi siya susuko.

Sa diskursong ito makikita na ayaw ni Yossel pakawalan ang kaniyang sarili. Nananatili siyang sarado sa anumang paglapit sa kaniya ng Diyos at pinipili niyang kumapit sa kaniyang itinatanging at dinadakilang Hudeong lipi at sa kanyang ginawang idolo ng Diyos. Gusto niyang manalo, ayaw niyang maging bukas sa anumang rebelasyon o epiphany hanggang sa oras ng kaniyang kamatayan. Hindi ito tunay na pananampalataya. Upang tunay na manampalataya, kailangang basagin ang mga imahen natin ng Diyos at subukang lumampas sa mga ito. Mas nakakatawag-pansin ang karanasan ni Job sa pagkabasag ng mukha niya ng Diyos sapagkat ang Diyos mismo ang sumagot at nakausap sa kaniya, kaya nagkaroon siya ng malaking pagkakataon upang bawiin ang kaniyang mga naunang pahayag at pagkakahon sa Diyos. Natanto rin ni Yossel na nababasag ang kaniyang imahen ng Diyos bilang kampiyon ng mga Hudyo, na hindi sumusunod sa hulma ng Lumang Tipan ang Diyos na nagpapakilala sa kaniya ngayon, kaya rin nag-iba ang kaniyang relasyon dito. Sa pagkabasag sana ng imahen ay nagkaroon siya ng pagkakataong magsimulang makilala ang kahiwagaan ng Diyos. Ngunit pinili niyang ipaliwanag ang mga pangyayari sa pamamagitan ng nakalumaang konsepto niya tungkol sa Diyos at sa Israel. Hindi sinubok ni Yossel na makinig (ab-audire) sa anumang maaring sabihin sa kaniya ng Diyos, na siyang ang unang hakbang sa tunay na pagtalima o obedentia.

Maari ring sabihin na walang ganap na pag-aalay ng sarili si Yossel sapagkat may kapalit ang pagtanggap niya sa mga nangyari sa kaniya. Sa credere in deum, may pagpapaubaya ng sarili sa anumang nakahain para sa kaniya, masama man o mabuti, dulot ng matinding pagmamahal sa Diyos at kagustuhang dakilain ang Kaniyang ngalan. Si Yossel ay tumalima sa mga paghihirap sa kaniya, una dahil wala na siyang kontrol dito, at pangalawa dulot ng kagustuhang itaas ang sarili at ang Hudeong komunidad. Sinabi niyang nagpaka-martir siya ngunit ginawa ito upang bigyang puri ang sariling kapasidad na manalig sa kabila ng kahirapan.

Sa huling paglalagom, hindi nagpakita si Yossel ng tunay na pananampalataya sapagkat ang kaniyang intensiyon ay hindi dalisay. Dakila ang pagmamahal niya sa institusyong kaniyang kinabibilangan at napakahalaga sa kaniya ng dangal at puri ng sarili at ng komunidad na ito. Ito ang nagtulak sa kaniya upang magpakasakit sa ngalan ng relihiyon at mamatay para dito, hindi ang dalisay at ganap na pag-aalay na sarili para sa Diyos.

comments ni Sir Eddieboy: malinis at may pag-uunawa. Yea!